MANILA, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-asawang matanda matapos pagsasaksakin ay ginilitan ng leeg ng mga ‘di-kilalang kalalakihan sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay San Isidro sa bayan ng Malvar, Batangas kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang mga napatay na sina Reynaldo Tizon, 70; at Emilia Malaban Tizon, 70, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.
Sa ulat ng Batangas PNP na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-12:30 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng mag-asawa.
Ayon kay P/Senior Inspector Roland Aniwasal, officer-in-charge ng Malvar PNP, walang narekober na anumang patalim sa tahanan ng mag-asawa.
Samantala, naghahanap ang pulisya ng mga posibleng testigo sa kapitbahay ng mag-asawa na maaring nakakita sa papatakas na mga suspek mula sa compound.
Wala ring narekober na patalim sa crime scene ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) habang patuloy naman ang imbestigasyon.