15 nalason sa youth summit

MANILA, Philippines - Aabot sa Labinlima-katao kabilang ang dalawang Sanggunian Kabataan chairman, mga coordinator at kawani ng lokal na pamahalaan ang naratay sa ospital makaraang malason sa ginanap na provincial youth summit sa Provincial Convention Center sa Surigao City kamakalawa ng gabi.

Kabilang sa mga biktimang naisugod sa Miranda Family Hospital ay sina Angie Mae Labor, 18, SK chairwoman  ng Alegria, Surigao de Norte; Jefford Bantilan, 28; Siegfred Olojan, 19, SK chairman ng Barangay Fabio, Taganaan, Surigao del Norte.

Labindalawa naman sa Surigao Medical Center ay sina Dante Caerlang, 25; Archie Biong, 20; Boyet Aquino, 30; Yumeralyn Opelinia, 18; Jessa Mamado, 20; Marjorie Grace Mosquito, 18; Reynald  Bayon, 20; Jovit Aclo, 20; Vicente Villamon, 32; Loreto Jamesula, 28; Marlon Galos , 22  at si Herjohn Mantilla, 19.

Ang mga biktima ay dumalo sa youth summit na ginanap sa Provincial Convention Center sa Surigao City kung saan dumaing ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, diarrhea, matinding pagkahilo at pananakit ng ulo.

Sa imbestigasyon, ilang oras  matapos na mananghalian  ng packed lunch mula sa kilalang fastfood chain ay nagsimulang sumama ang pakiramdam ng mga biktima.

Gayon din ang sample ng tubig sa Provincial Convention Center ay isinailalim sa pagsusuri.

Nabatid na ilan sa mga biktima ay na-diagnose na dumaranas ng acute gastroenteritis.

Show comments