CEBU CITY , Philippines – Labing-anim sa 90 miyembro ng Cebu City Traffic Operations Management (CITOM) ang nagpostibo sa bawal na gamot matapos ang random test ng Cebu City Office for Substance Abuse Prevention (COSAP) kamakalawa.
Ayon kay CITOM Executive Director Rafael Christopher Yap, aabot sa 16 personnel ay positibo sa bawal na gamot sa isinagawang random drug screening kasabay ng flu vaccination sa 200 enforcers at kawani.
Nabatid na 90 enforcers ang sumailalim sa drug test habang ang isa naman ay umiwas sa magpa-drug test matapos itong tumalon mula sa 3rd floor ng CITOM building patungo sa 2nd floor.
Ang 16 enforcers na nagpositibo sa droga ay hindi na makapagpapatrolya sa kalsada kung saan inirekomendang hindi na irenew ang kanilang kontrata sa susunod na buwan.
Ang pinal na resulta ng drug screening ay subject pa sa confirmatory test sa Manila sa susunod na dalawang linggo.
Lahat ng kawani at enforcer na nagpositibo sa droga ay ini-refer na sa HRDO at sa City Legal Office.
Sa tala, aabot sa limang CITOM enforcers mula sa 50 ang positobo rin sa droga noong hunyo 2012.
Sasailalim sa drug testing ang natitirang 100 enforcers kung saan itatakda ang schedule ng COSAP.