MANILA, Philippines - Humalo na ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa libu-libong mga evacuees na kinakanlong sa mga evacuation center sa Compostela Valley at Davao Oriental matapos ang matinding pananalanta ng bagyong Pablo, ayon sa chief master spy ng militar.
Sa panayam, sinabi ni Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) Chief Brig Gen. Eduardo Año, ito ang nabatid ng kanilang mga intelligence operatives base sa patuloy na monitoring sa aktibidades ng NPA rebels sa nasabing mga lugar.
“We received information that the NPA rebels operating in areas hit by typhoon Pablo’s in Compostela Valley and Davao Oriental have mixed with the civilian evacuees,” pahayag ni Año.
Nabatid na ang nasabing mga rebelde na dumanas rin ng matinding gutom kaya nagpanggap na mga evacuees ay itinaboy sa kanilang kuta sa bundok sa matinding pananalasa ng bagyong Pablo na nagdulot ng flashflood at landslide partikular na sa bayan ng New Bataan, Monkayo at iba pa sa Compostela Valley.
Samantalang sa Davao Oriental ay mula naman sa mga bayan ng Cateel, Boston at Baganga na halos nabura sa mapa sanhi ng hagupit ng kalamidad. Ang mga rebelde ay namonitor na nakikipag-agawan ng mga relief goods sa mga evacuees.
Sinabi naman ni Major Jacob Thaddeus Obligago, Chief ng Civil Military Operations (CMO) ng Armys’ 10th Infantry Division(ID) na rebelde man o sibilyang nangangailangan ay tutulungan ng security forces sa panahon ng kalamidad na nangyari na rin noong 2006 sa panahon ng bagyong Reming sa lalawigan ng Quezon.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umaabot na sa 955 ang narerekober na bangkay habang nasa 841 pa ang nawawala sa mga biktima ni supertyphoon Pablo na nanalasa sa mga apektadong lugar sa bansa partikular na sa Region XI noong Disyembre 4.