CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines - Hindi pa man umiinit ang election fever, napaslang ang barangay chairman na kandidatong konsehal matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem assassins sa Barangay Luy-a sa bayan ng Aroroy, Masbate kamakalawa ng gabi.
Napuruhan sa ulo ang biktimang si Chairman Edwin Dalinog Amaro na nasa ilalim ng partido ng Nationalist People’s Coalition (NPC).
Sa ulat ng pulisya, lumilitaw na may kausap ang biktima sa harap ng kanyang tahanan nang lapitan at ratratin bandang alas-6:30 ng gabi.
Ang lalawigan ng Masbate ay kabilang sa 15 high risk areas na idineklara ng Comelec at PNP na hotpots sa 2013 mid term elections.
Pinaniniwalaang may kinalaman sa pulitika ang pamamaslang sa biktima na sinasabing nakatatanggap ng pagbabanta sa buhay simula ng magsumite ito ng kandidatura.