2 kidnaper ng anak ng Aman trader, tiklo

MANILA, Philippines - Nasagip ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar ang 6-anyos na batang anak ng negos­yanteng recruiter sa pyramiding scam na dinukot sa Zamboanga del Sur kasunod ng pagkakadakip sa dalawang kidnaper sa Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte kamakalawa.

Kinilala ni police regional office 9 director P/Chief Supt. Napoleo Estilles ang nasagip na biktima na si Denise Lian Solon, anak ng negosyanteng si Nishel Dante Solon ng Brgy. San Jose, Aurora, Zamboanga del Sur.

Pormal naman kinasuhan ang mga suspek na sina Amran Maruhom Pulao, 24; at Aiman Maruhom Ampatua, 39, kapwa nakatira sa Brgy. Banday, Malaban, Lanao del Norte.

Ayon kay Estilles, ang biktima ay dinukot kamakalawa ng umaga sa Brgy. San Jose, Aurora, Zamboanga del Sur kung saan isinakay sa van na patungo sa direksyon ng Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte.

Naharang ang mga suspek habang lulan ng Honda Civic sa isinagawang rescue operation ng grupo ni P/Senior Supt. Romeo Uy, 3rd Light Armor Company ng Philippine Army at Zamboanga, Sibugay Provincial Safety Company na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga kidnaper at pagkakaligtas sa biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ay lumilitaw namang may kinalaman sa pyramiding scam ang pagdukot sa biktima dahil sa sinasabing hinikayat ng ama ng bata na mag-invest sa Aman Futures Group Philippines Inc. ang pamilya ng mga suspek.

Sa tala, aabot sa P12 ­bilyon ang nakulimbat ng nasabing pyramiding scam na pinamumunuan ng wanted na si Manuel “Aman” Amalilio na nagtatago na sa Malaysia.

Show comments