P1-M kargamento hinaydyak

BULACAN, Philippines – Tinatayang aabot sa P1 milyong halaga ng kargamento na dadalhin sana sa Tuguegarao City ang hinadyak ng pitong armadong kalalakihan na nagpakilalang mga alagad ng batas sa kahabaan ng highway sa Barangay Bantog sa bayan ng San Miguel, Bulacan kahapon ng madaling araw. Ayon kay P01 Judesco Desiatco, bumabagtas ang 10-wheeler truck (PIV-937) nina Jose Ardidon, driver; at pahinanteng si Danny Damandaman nang parahin sila ng itim na Starex van na may lulang mga armadong kalalakihan na nagpakilalang pulis. Kaagad naman inihinto ng driver ng truck sa pag-aakalang mga pulis ang lulan ng van na walang plaka subalit mga hijacker pala. Inabandona ang driver at pahinante ng truck sa bahagi ng Camiling, Tarlac kaya nakahingi ng saklolo sa pulisya.

Show comments