QUEZON, Philippines – Dahil sa mabilis na pagkilos ng pulisya, militar at lokal na pamahalaan, nalutas na ang pamamaslang sa tatlong kawani ng DPWH at pagkakasugat ng apat na iba pa matapos na maaresto ang pangunahing suspek sa Barangay Pakiing sa bayan ng Malunaya, Quezon, kahapon ng umaga.
Personal na itinurn-over ni Mayor Joselito Ojeda kay Quezon PNP provincial director P/Senior Supt. Valeriano de Leon ang suspek na si Rommel Rocete y Samadan, trainor ng Taekwondo sa RTS4 Camp Nakar, Lucena City at nakatira sa nasabing barangay.
Nauna nang nagpalabas ng flash alarm sa mga chief of police sa 39 bayan at 2 lungsod si P/Senior Supt. De Leon kasabay ng pagpapalabas nina Governor David Suarez at 3rd District Representative Danilo Suarez ng tig-P100,000 upang agad na madakip ang suspek.
Magugunita na nairita ang suspek sa headlights ng L300 Van (SFG 586) ng mga biktimang sina Ronald Monterey, Jason Rodelas at si Celso Red kaya nagawang pagbabarilin nito sa bahagi ng Barangay Butanyog noong Biyernes ng gabi (Nob. 30)
Nagpasalamat naman si Mayor Ojeda sa lokal na pulisya at sa mga tauhan ng 74th Infantry Battalion ng Phil. Army sa pagkakadakip sa suspek at pagkakumpiska ng cal. 45 pistol na ginamit sa krimen.