MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P5 milyong cash at ari-arian ang ninakaw ng mga di-kilalang kalalakihan sa simbahang katolika sa Barangay Poblacion sa Lapu-Lapu City, Cebu kamakalawa.
Sa testimonya ni Fr. Agustin Pulong, kura paroko sa Nuesta Señora de Regla Parish National Shrine, kabilang sa mga ninakaw ay 69 gintong kuwintas, 70 singsing at 16 na bracelets ng Birheng Maria at ang perang donasyon na aabot sa P5 milyon.
Bukod dito, nagkalat ang mga sobre ng perang donasyon ng mga deboto na kinuha lamang ang mga cash at iniwan ang mga barya matapos na sirain ang donation box.
Pinaniniwalaan namang naganap ang nakawan sa pagitan ng alas-3 hanggang pasado alas-4 ng madaling araw o ilang oras matapos na madiskubre ang insidente.
Ayon kay P/Chief Inspector Christian Torres, hepe ng Theft and Robbery Section ng Lapu-Lapu City PNP, kasalukuyan iniimbestigahan ang anggulong inside job dahil sa walang nakitang puwersahang pagpasok sa simbahan.
Nilinis ng mga katiwala sa simbahan ang crime scene kung saan ay nawala ang mga ebidensya tulad ng mga fingerprint na maaring matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.
Sa tala ng pulisya, ito ang ikalawang pagkakataon na ninakawan ang nasabing simbahan kung saan ang una ay naganap noong 1990.