MANILA, Philippines - Dahilan walang pambili ng droga, hinostage ng isang 39 anyos na adik na ina ang tatlo nitong paslit na anak sa mahigit 30 minutong hostage drama sa Brgy. Pit-os, Cebu City kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Cebu City Police, bandang alas-7:45 ng gabi ng tumawag sa kanilang himpilan ang 65 anyos na ina ng suspek na si Genoveva hinggil sa pangho-hostage ng kaniyang anak na si Divina na armado ng itak sa tatlo nitong paslit na apo na nagkakaedad 4, 3 at 2 anyos sa kanilang tahanan sa Villa Rio Subdivision, Brgy. Pit-os ng lungsod. Ang pangalan ng mag-ina ay pawang itinago sa pakiusap na rin ng pamilya ng mga ito sa pulisya.
Kabilang sa mga hinostage na paslit ay tinukoy lamang sa mga pangalang Fae, 4, Camille, 3 at Bon, 2 taong gulang; isa rito ay anak ng ginang sa dati nitong mister na isang dayuhan.
Sa pahayag ni Genoveva sa pulisya, sinabi ni Inspector Roy Manggilimutan, naghi-hysteria umano ang anak na may hawak na itak at ikulong sa loob ng silid ang kaniyang mga apo.
Ayon sa matanda natatakot umano siya na may mangyaring masama sa kaniyang mga apo dahilan gumagamit ng illegal na droga ang ginang.
Agad namang nagresponde ang mga elemento ng Special Weapons and Tactics Team (SWAT) sa lugar kung saan habang isinasagawa ang negosasyon ay ipinatong ng ginang ang itak sa mesa na sinamantala naman ng mga awtoridad na agad itong sinunggaban at pinosasan.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na problemado sa pera ang ginang dahilan huminto na sa pagpapadala ang dati nitong asawa kung saan dahilan wala itong pambili ng droga ay hinostage ang mga anak.