OLONGAPO CITY, Philippines -Pormal ng naghain ng kasong administratibo sa National Police Commission (Napolcom) ang sampung police officials laban sa dati nilang superior na si P/Senior Supt. Christopher Tambungan na sinasabing sangkot sa iba’t ibang katiwalian sa nasabing lungsod.
Pormal na nanumpa kay Napolcom Regional Director Atty. Manuel Pontanal ang mga complainant kasabay ang pagsasampa ng kasong grave misconduct laban kay Tambungan na sinasabing nasa floating status matapos sibakin sa kanyang puwesto bilang hepe ng pulisya sa Olongapo City.
Kabilang sa mga naghain ng pormal na kasong administratibo ay sina Olongapo City Police Office Deputy Director P/Supt. Christopher Mateo, Gapo PNP deputy director; P/Supt. Armando Mariano, hepe ng PIO; P/Supt. Benjamin Elenzano, P/Chief Insp. Teodorico Catubay, P/Chief Insp. Orlando Reyes, P/Senior Insp. Gil Domingo, P/Senior Insp. Zaldy Lising, P/Senior Insp. Leobaldom Bacon, P/Senior Insp. Frederick Nueva, P/Senior Insp. Vicente Gabarda at si PO2 Florabel Paragas.
Isa sa joint affidavit ng 10-opisyal ng PNP, si Tambungan ay isinangkot sa extortion at bribery case laban sa magka-live-in na sina Razielle Ann Lim at Elmer Quiambao, na inaresto dahil sa kasong droga noong Setyembrre 2012.
Sa sinumpaang salaysay ni P/Senior Insp. Gerald Fernandez mula sa imbestigasyon na pinamunuan ni P/Senior Supt. Joseph Ramac, lumilitaw na hindi kinasuhan ng pulisya ang magka-live-in dahil sa pagbibigay ng P50, 000 kung saan tinanggap naman ni Tambungan ang P10,000 bilang parte nito.