MANILA, Philippines - Dalawang notoryus na miyembro ng Waray-Waray robbery/holdup gang ang napaslang matapos makasagupa ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group Region 3 sa San Fernando City, Pampanga kahapon ng umaga.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., ang dalawang napatay na sina Reynan “Bordado” Delfino at isang alyas Putin na kapwa gun-for-hire na nag-ooperate sa Central Luzon.
Lumilitaw na nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni P/Senior Supt. Elmo Francis Sarona, na magsasagawa ng panghoholdap ang dalawa sa kahabaan ng highway sa Barangay Balite.
Dito na namataan ng mga operatiba ng CIDG ang dalawa na lulan ng motorsiklo kung saan tinangkang sitahin ng grupo subalit agad itong nagpaputok ng baril na nauwi sa shootout.
Narekober sa encounter site ang dalawang cal . 45 pistol, tatlong magazine para sa cal. 45 at itim na motorsiklo.