CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines - Umaabot sa 12 minero ang nabaon ng buhay sa loob ng minahan matapos na gumuho sa pagsabog kamakalawa ng hapon sa Sitio Bulay, Purok Maligaya, Barangay Palanas sa bayan ng Paracale, Camarines Norte.
Kabilang sa mga biktimang nilamon ng buhay ay sina Carlo Salen, 27; Luis Sayson, 33; Jay-ar na pawang nakatira sa Barangay Tawig sa bayang nabanggit. Naganap ang insidente dakong alas-5 ng hapon habang nagmimina ang mga biktima sa loob ng tunnel na pag-aari ng isang nagngangalang Agosto Jorda.
Ayon kay P/Chief Insp Arnulfo Selencio, gumuho ang minahan kung saan pinasok ng tubig-dagat kaya nakulong mga biktima.
Bago naganap ang pagguho ng lupa ay umalingawngaw ang malakas na pagsabog mula sa loob ng tunnel na sinasabing gumamit ng dinamita ang mga minero.
Kaagad naman rumesponde ang search and rescue team na pulisya at lokal na pamahalaan kung saan nangangamba ang mga opisyal na posibleng patay na ang mga minero sa tunnel na gumuho subalit hindi naman nawawalan ng pag-asa ang mga ito na may matatagpuan pang buhay.
Napag-alamang illgal ang operasyon ng minahan dahil sa small scale mining o guerrilla type kung saan maging ang financier nito ay ayaw makipagtulungan sa pulisya. Dagdag ulat ni Joy Cantos