MANILA, Philippines - Nag-alok na kahapon ang pamahalaan ng Laguna ng P.4 milyon reward para sa sinumang makapagtuturo sa ikaaresto ng suspek sa pagnanakaw at pamamaslang sa 19-anyos na estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) noong Lunes sa Biñan City, Laguna.
Sa phone interview, kinumpirma ni Laguna police director P/Senior Supt. Fausto Manzanilla Jr. ang pagbibigay ng reward para mapadali ang pag-aresto sa suspek na si Benigno Nayle, 19, ng Brgy. San Vicente, Biñan City.
Ang P200,000 reward ay mula kay Biñan City Mayor Marlyn “Lenlen” Alonte-Naguiat habang ang karagdagan pang P200,000 ay nagmula naman kay Laguna Governor Jorge “ER” Ejercito Estregan Jr.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na ang biktimang si Maria Victoria Reyes, 3rd year BS Agriculture student sa UPLB ay natagpuan ng kanyang ama sa loob ng kanilang tahanan na nakahandusay na may malalim na saksak sa kaliwang dibdib.
Nagawa pang maisugod sa ospital ang biktima pero idineklara na itong patay.
Lumilitaw na ang suspek na sinasabing drug addict at may mga kasong kriminal ay itinuro ng dalawang testigo ilang minuto bago nadiskubre ang krimen.
Samantala, nadiskubre ring nawawala ang laptop, mobile phone, camera at hindi pa madeterminang halaga.