TUGUEGARAO CITY, Philippines - Pito na sundalo at limang rebelde ang iniulat na nasawi habang 16 iba pa ang nasugatan sa umaatikabong engkuwento sa liblib na bahagi ng Barangay Mabbayad na nasa pagitan ng bayan ng Echague at bayan ng San Mariano kung saan sakop ng Sierra Madre sa Isabela kahapon ng umaga.
Gayon pa man, pansamantalang hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan ng mga nasawing sundalo dahil kailangan pang impormahan ang kanilang pamilya.
Sa ulat ng Army’s 502nd Infantry Brigade, bandang alas-5 ng umaga nang sumiklab ang bakbakan matapos tambangan ng Benito Tesorio Command ng NPA ang tropa ng Army’s 52nd Division Reconnaissance Co. sa pamumuno ni 2nd Lt. Jim Torrepalma sa Barangay Madbayad, San Guillermo malapit sa bayan ng Echague.
Kinumpirmang pito na sundalo ang nasawi at walo naman ang nasugatan habang lima naman ang nasawi walo din ang nasugatan sa panig ng NPA, base na rin sa pahayag ng intelligence asset ng militar.
Naunang nakasagupa ng 51st Recoinnassance Co. ang mga rebelde sa Barangay Gangalan, San Mariano bagaman wala namang naiulat na nasawi at nasugatan.
Nagawang tangayin ng mga rebelde ang ilang armas kung saan ayon kay Sobejana ay patuloy pa rin nilang inaalam ang nakuha ng mga rebelde sa encounter site.
Kaugnay nito, pinabulaanan naman ni Col. Rogelio Collado, 502nd Brigade Commander ang pahayag ng Benito Tesorio Command na sumuko sa kanila ang mga nasugatang sundalo kung saan binigyan pa ng first aid sa encounter site sa pagsasabing isa lamang itong uri ng black propaganda. Joy Cantos, Raymund Catindig at Victor Martin