Mister inutas dahil sa chit

TUGUEGARAO CITY, Philippines- Pinaniniwalaang onsehan sa bayarin ng chit sa nainom na alak at pulutan sa beerhouse kaya sinaksak at napatay ang 35-anyos na mister ng kanyang kaibigan kamakalawa ng gabi sa Sitio Katuday, Barangay Bantug sa bayan ng Roxas, Isabela. Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Aurelio Bautista ng Barangay Nuesa habang tinutugis na ng pulisya ang suspek na si Patrick Pestaños, 26, ng Barangay San Rafael sa nasabing bayan. Lumalabas sa imbestigasyon na magkasamang pumasok sa videoke bar ang magkaibigan kung saan nang malasing ay nagtuturuan kung sino ang magbabayad. Nagalit ang suspek nang biglang umalis ang biktima na sinasabing walang ibinigay na pambayad. Dito na hinabol ng suspek ang biktima bago isinagawa ang pananaksak.

Show comments