Recruiter ng pyramid scam, itinumba

MANILA, Philippines - Natagpuang patay ang 34-anyos na negosyante na sinasabing sangkot sa multi-bilyong get-rich-quick scam matapos marekober ang bangkay nito sa gilid ng highway sa Barangay Balocot sa bayan ng Tambulig, Zamboanga del Sur noong Lunes ng gabi.

Ayon kay PRO-9 director P/Chief Supt. Napoleon Estilles ang biktimang si Anwar Alvin Zainal ay dinukot ng mga armadong kalalakihan sa bahagi ng Brgy. Tiguma, Pagadian City, Zamboanga del Sur.

Nabatid na si Zainal ay sinasabing isa sa mga recrui­ter ng Aman Futures Group na nakabase sa Pagadian City na nakapambiktima ng 15,000-katao na naloko ng aabot sa P12 bilyon sa Min­danao at maging sa Visayas Region.

Sa imbestigasyon, si Zai­nal ay dinukot ng mga armadong kalalakihan na lulan ng pulang Crosswind SUV sa harapan ng Land Transportation Office sa Pagadian City.

Nabatid na bukod sa pag­re-recruit sa pyramid scam ay isa ring car dealer ang biktima.

Kasalukuyan sinisilip kung may kinalaman sa kaso ng pyramid scam ang motibo ng pagpatay sa negosyante.

 

Show comments