MANILA, Philippines - Sampung pulis kabilang ang hepe ng Pagadian City PNP ang sinibak sa puwesto kaugnay ng kabiguang maresolba ang kontrobersyal na kaso ng pambibiktima sa daang katao ng Aman Ventures pyramiding scam na sinasabing binibigyang proteksyon ng mga tiwaling pulis.
Ayon kay P/Chief Supt. Napoleon Estilles, director ng Police Regional Office (PRO)-9, nangunguna sa nasampulang sinibak ay si P/Senior Supt. Kenneth Mission, Pagadian City PNP director.
Ang siyam na iba pang nasibak alinsunod sa one strike policy kontra katiwalian ay pawang miyembro ng Zamboanga del Sur Provincial Police Office (PPO) Intelligence Section.
Sa kainitan ng kautusan ni Estilles kay Mission na imbestigahan ang pambibiktima ng Aman Ventures sa daang katao sa Pagadian City ay may mga ulat siyang natanggap na ini-escortan pa ng mga pulis ang mga opisyal ng nasabing tanggapan na sangkot sa anomalya.
“It took time for the said officer and his men to conduct such investigation thus defying the order of the regional chief for the immediate action on the said matter,” paliwanag ni Estilles.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumitaw na sangkot sa pyramiding scam ang siyam na tauhan ng Zamboanga del Sur PPO Intelligence Section.
Kaugnay nito, ipinag-utos din ni Estilles ang re-training ng mga pulis na sinibak sa Camp Abendan.
“My order is clear, that I do not tolerate any anomalies under my command, I relieved P/Supt. Mission for failure to render report about the existing problem in Pagadian City,” dagdag pa ni Estilles alinsunod sa command responsibility.
Samantala, bumuo rin si Estilles ng isa pang investigation team mula sa regional office para sa malalimang pagsisiyasat kaugnay sa nasabing kaso.
Kasunod nito, binalaan ni Estilles ang iba pang pulis na masisibak sa puwesto kapag nasangkot sa anomalya.