6 gun-for-hire utas sa shootout
MANILA, Philippines - Anim na kalalakihan na sinasabing notoryus na robbery/holdup gang ang napaslang matapos makasagupa ang mga operatiba ng pulisya sa Calamba City, Laguna kahapon ng umaga.
Sa phone interview, sinabi ni Laguna PNP director P/Senior Supt. Fausto Manzanilla, bandang alas- 8:30 ng umaga nang makasagupa ng mga operatiba ng Laguna PPO, pulis- Calamba at Anti-Organized Crime Task Force ng PNP regional office IV A ang armadong grupo sa Barangay Lecheria.
Ayon sa opisyal, ang grupo na binansagang Batang-Kubo Gang na sangkot sa serye ng robbery/holdup, gun-for-hire at hijacking sa Laguna at karatig lalawigan ay lulan ng brown Toyota Innova (TDI -214) nang harangin ng mga awtoridad.
Gayon pa man, sa halip na sumuko ay agad na pinaputukan ng grupo ang mga pulis na nagresulta sa shootout.
Bago pa maganap ang shootout ay naispatan na ng pulisya ang sasakyan ng mga armadong grupo mula sa kanilang hideout sa Barangay San Juan, Batangas.
Lima sa grupong armado ang dead-on-the-spot habang ang isa pa ay idineklarang patay sa JP Rizal Memorial Hospital.
Lima sa anim na armadong kalalakihan ay kinilalang sina Nestor Pera Banog Jr., lider; Romeo Leviste Sagum, Alwin Magbujos Baldeo, David Mark Sanding Basa at Jose Sonny Bruel Mendoza.
Narekober mula sa sasakyan ng mga napatay na suspek ang isang bullcap na may tatak na NBI, limang baril kabilang ang tatlong cal. 45 pistol, isang cal 9mm at 5.56 Colt na isinailalim na sa ballistic examination. Dagdag ulat ni Ed Amoroso
- Latest