LTO man itinumba ng tandem
BULACAN, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng 36-anyos na kawani ng Land Transportation Office (LTO) matapos ratratin ng riding-in-tandem assassins sa loob ng kanyang tahanan sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan kahapon ng umaga.
Apat na bala ng cal.45 pistol ang tumapos sa buhay ni Rolan Caranto, nakatalaga sa Flying Squad Task Force, computer system record programmer sa Antipolo City, Rizal at nakatira sa El Pueblo Subd., Barangay Kaypombo sa nabanggit na bayan.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Ranilo Dela Cruz, lumilitaw na nagsasampay ng nilabhang damit ang biktima sa bakuran ng kanyang tahanan nang dumating sa gilid ng bakuran ang dalawang di-kilalang lalaki na lulan ng motorsiklo.
Dito na sinimulang ratratin ang biktima kung saan tinamaan sa katawan ang biktima at kahit sugatan ay nakatakbo pa ito sa loob ng kanyang bahay para makapagtago.
Subalit sinundan siya ng dalawang armadong lalaki bago muling pinagbabaril kung saan napuruhan sa dibdib.
Nabatid sa misis na si Dezeree Caranto na bago maganap ang pamamaril ay nakatanggap na ng pagbabanta sa buhay ang kanyang asawa nitong nakalipas na buwan kaya madalas na itong lumiban sa trabaho.
Sinisilip ng mga imbestigador ng pulisya ang anggulong may kinalaman ang pagiging kawani ng LTO kung saan may mga grupo ng motoristang pasaway ang kanyang nasagasaan.
- Latest