MANILA, Philippines - Siyam-katao kabilang ang isang pulis-Consolacion ang inaresto matapos maaktuhan ng mga operatiba ng pulisya na nagsagawa ng raid sa illegal na sabungan (tupada) sa Barangay Marigondon, Lapu-Lapu City, Cebu noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang inarestong pulis na si PO3 Artemio Tumakay na nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Consolacion at nahaharap sa kasong administratibo at kriminal.
Nakakulong naman sa Lapu-Lapu City PNP Office Holding cell ang mga sibilyang sina Nestor Amodia, 43; Gabriel Aton, 48; Florencio Amores, 56; Lino Aton, 40; Domingo Aton, 52; Roy Potot, 37; Conrado Potot, 59; pawang nakatira sa Sitio Mahayahay; at si Rolando Catadman, 47, ng Barangay Suba-Basbas.
Nabatid na tinangka pang harangin ni PO3 Tumakay ang raid sa pagsasabing pagbigyan na ang mga magsasabong dahil sa selebrasyon ng fiesta sa barangay.
Gayon pa man, walang maipakitang dokumento si PO3 Tumakay na pinahintulutan ng lokal na pamahalaang ang tupada kaya inaresto rin ito dahil sa pinaniniwalaang nagsisilbing protektor ng illegal na sabungan.
Nasamsam naman sa operasyon ang tatlong panabong na manok, anim na tari at P400 cash.
Ayon kay LLCPO director P/Senior Supt. Rey Lyndon Lawas, si Tumakay na nakumpiskahan ng kanyang service firearm ay naka-off duty at nakatakda sanang mag-report sa trabaho kamakalawa (All Souls’ Day). Joy Cantos at Freeman News Service