MANILA, Philippines - Humabol pa sa pagdaraos ng All Saints’ Day ang dalawang menor-de-edad makaraang malunod sa pagtaob ng bangkang sinasakyan na tinangay ng malakas na agos ng tubig sa bayan ng General Nakar, Quezon kamakalawa. Kinilala ang mga nasawi na sina Anilou Espera, 15; at Reynel Andrada, 16, kapwa nakatira sa nabanggit na bayan. Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-11 ng umaga nang mangyari ang insidente sa ilog ng Barangay Batangan. Ang mga biktima ay nagkatuwaang mamangka sa nasabing ilog na humantong sa trahedya. Isinailalim naman sa kustodya ng pulisya ang kapitan ng bangka na kinilalang si Romulo Bonbo. Base sa imbestigasyon, ang mga biktima ay lulan ng bangka na naglalayag nang tumaob sa gitna ng malalim na bahagi ng ilog bunga ng sobrang lakas ng agos. Nabatid na ang mga biktima ay kapwa hindi marunong lumangoy kaya tinangay ng malakas na agos.