Mag-ina hinostage ng mister sa ospital
MANILA, Philippines - Desperadong hinostage ng mister na sinasabing walang pambayad sa hospital bill ang ka-live-in nito at bagong panganak na sanggol sa naganap na kakaibang hostage drama sa ospital sa bayan ng sa Sta. Cruz, Laguna kamakalawa.
Sa ulat ni P/Chief Insp. Meliton Abello Salvadora Jr., hepe ng Sta. Cruz PNP, kinilala ang suspek na si Arvin Magno ng Barangay Pinagsanjan, Pagsanjan, Laguna.
Lumalabas na binisita ng suspek ang kapapanganak na ka-live-in na si Jina Ruazol Abena sa Laguna Provincial Hospital kung saan ng sumapit ang alas-10:30 ng gabi ay pinalalabas ito ng security guard dahil tapos na ang oras ng pagbisita.
Sa puntong ito, agad na niyakap ng suspek ang ka-live-in at tinutukan ng patalim at nagdemand na palabasin sila sa nasabing ospital.
Upang mailigtas ang buhay ng mag-ina ay pinabayaan ng mga kawani ng ospital na makalayo ang suspek kasama ang kaniyang mag-ina.
Samantala, sa tulong ng mga barangay tanod ay natunton ng pulisya ang tahanan ng suspek at nang tanungin ang misis sa kalagayan nito at kaniyang sanggol ay sinabing maayos naman sila.
Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang nasabing mister dahil sa nilikha nitong iskandalo sa ospital.
- Latest