MANILA, Philippines - Lima-katao kabilang ang tatlong Marines ang iniulat na napatay habang 10 iba pa ang nasugatan matapos ang sagupaan ng mga bandidong Abu Sayyaf Group at mga sundalo ng Phil. Marines sa liblib na bahagi ng Barangay Bakong sa bayan ng Patikul, Sulu kahapon ng umaga.
Ayon kay Lt. Col. Randolph Cabangbang, tagapagsalita ng Western Mindanao Command, nagsasagawa ng search operations ang tropa ng Marines Battalion Landing Team 6 kaugnay sa presensya ng pagdukot ng grupo nina Tahil Sali at Radullah Sahiron ng Abu Sayyaf Group sa isang biktima nang sumiklab ang sagupaan bandang alas-6:30 ng umaga.
Isa sa dalawang bandidong napatay ay nakilalang si alyas Kaisar habang tatlong sundalo ay pansamantalang hindi muna tinukoy ang pagkakakilanlan hanggang hindi naipaabot sa kani-kanilang pamilya.
Kasunod nito, ipinag-utos ni Major Gen. Rey Ardo ang deployment ng naval at air assets ng command para makatulong sa patuloy na pagtugis sa mga bandido.