QUEZON, Philippines – Siyam-katao ang iniulat na nasugatan makaraang mahati sa tatlong bahagi ang tren na sumablay sa riles dulot ng pagbaha kahapon ng madaling-araw sa bahagi ng Brgy. Canda sa bayan ng Sariaya, Quezon.
Sa ulat ni National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director Benito Ramos, ang mga nasugatan ay sina Joan Agdeppa Yalung, 30; Renelee Francisco, 30; Enamanee Tangra Monter, Mark Agdeppa, Aminda Granada, Jesus C. Sevilla, Pantallon San Pedro at si Ybet Molina Palido.
Bandang alas-12:15 ng madaling-araw nang madiskaril ang tren na may lulang 128 pasahero at patungong Bicol.
Sinabi ni Ramos na dahil sa pagbaha ay inanod ang ilang bagol ng tren kaya nawala sa riles bago nagkahiwa-hiwalay.
Ang mga biktima ay agad namang sinaklolohan ng lokal na rescuer sa pangunguna ni Henry Buzar kung saan naisugod naman ang mga ito sa ospital.