MANILA, Philippines — Nasawi noon din ang isang hepe ng pulisya habang apat pa ang nasugatan nang maaksidente ang sinasakyan nilang sasakyan sa kahabaan ng Cotabato-Davao highway, KM 110, Brgy. Amas, Kidapawan City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawing si Chief Inspector Raymund Sarmogenes, 54, Officer in Charge ng Antipas Municipal Police Station (MPS) sa lalawigan ng Cotabato.
Ang mga nasugatan na dinala sa ospital ay kinilalang sina Joselito de Julian Aberde, 51, driver ng berdeng Mitsubishi jeep (LMP-598); Maria Aberde, 48; Jenny Joy Aberde, 26; at Johnrey Aberde,18.
Batay sa ulat, bago naganap ang sakuna dakong alas-4:30 ng hapon sa kahabaan ng nasabing highway ay minamaneho ni Sarmogenes ang kulay asul na Toyota Avanza (ZJP-509) sa bahagi ng nasabing highway nang makabanggaan nito ang sasakyan na minamaneho ni Joselito.
Sa lakas nang pagkakabangga ay nagtamo ng matinding sugat partikular na sa ulo ang nasabing hepe na idineklarang dead-on-arrival sa Cotabato Provincial Hospital.
Nabatid na pabalik na sa kanilang himpilan galing sa pagre-report sa Cotabato Police Provincial Office (PPO) nang mangyari ang insidente.