MANILA, Philippines - Apat na pulis na naka-destino sa Drug Enforcement Group (DEG) ng Malabon-PNP na sangkot sa pagdukot at pangongotong sa isang ginang na may karelasyong drug lord na nakakulong ang inaresto sa loob ng kanilang opisina sa Malabon City Police noong Lunes ng umaga.
Ang mga nadakip na pulis ay kinilalang sina SPO2 Ricky Pelicano; PO2s Wilson Sanchez; Joselito Ereñeo at Francis Camua. Nakaditine na ang mga suspek sa Camp Crame Detention Center.
Pito pang pulis na sangkot sa “Ninja group” ang pinaghahanap ngayon ng pulisya kabilang ang ilang tauhan ng PNP Civil Security Group (CSG) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Bago naaresto ang mga suspek dakong ala-1:40 ng hapon noong Mayo 20 ay dinukot ng 10 armadong lalaki na pawang nakasuot ng bonnet ang biktimang itinago sa pangalang “Norma”, 54-anyos, sa kanyang bahay sa Veteran’s Village, Quezon City.
Pinuntahan at tinangay rin umano ng mga suspek ang Starex van ng biktima sa bahay nito sa Muñoz, Quezon City.
Ikinulong ang biktima sa tanggapan ng DEU sa loob ng Malabon City Police at tinangay ang kanyang mga personal na gamit kabilang ang mga alahas, Iphone at laptop at P6,000 cash. Unang nanghingi ang grupo ng P5 milyon sa biktima kapalit ng kanyang kalayaan.
Tinawagan ng mga suspek ang karelasyon ng biktima na si alyas “Raymond” na nakaditine naman sa Medium Security Compound ng New Bilibid Prisons sa Muntinlupa na may kasong carnapping at nanghingi ng P2 milyon para mapalaya si Norma at isang kilo ng shabu buhat sa kontak na Chinese drug lord.
Natanggap ng grupo ang isang kilo ng shabu nitong Mayo 21 sa isang hotel sa Novaliches, Quezon City ngunit hindi pa rin pinakawalan si Norma.
Patuloy na nanghingi ang grupo ng P1 milyon kay Raymond na dapat ay ibibigay sa isang mall sa Malabon ngunit hindi natuloy.
Dahil dito, tinuluyang sinampahan ng kaso sa iligal na droga si Norma at ginamit ang nakuhang isang kilong shabu bilang ebidensya.
Humingi naman ng saklolo ang mga kaanak ng biktima sa pulisya at nagkasa ng operasyon ng nagsanib-puwersang PNP-Counter Intelligence Task Force, Anti-Kidnaping Task Force, NPD at Malabon City Police at inaresto sa loob ng tanggapan ng DEU ng Malabon City Police habang nakatakas ang iba pang tauhan nito nang matunugan ang operasyon.
Agad na dinisarmahan, tinanggalan ng tsapa at nakatakdang sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang apat na pulis.
Tiniyak naman ni National Capital Regional Police Office chief, Director Oscar Albayalde na madadakip nila sa mga susunod na araw ang iba pang sangkot sa naturang kidnap-extortion habang hinikayat ang mga sangkot na isuko ang kanilang sarili at harapin ang batas.