MANILA, Philippines - Hinihinalang biktima ng salvage ang isang lalaki na umano ay drug pusher matapos matagpuan ang bangkay nito na nakahandusay kahapon ng umaga sa harap ng mosque compound, Brgy. Culiat, Quezon City.
Inilarawan ng pulisya ang biktima na nasa pagitan ng 30-35, may taas na 5’1”, payat, katamtaman ang pangangatawan, moreno, nakasuot ng puting sando at camouflage na short pants; may tattoo ng “Bungo” at “Emie” sa kaliwang balikat at kanang kamay.
Batay sa ulat, alas-5:00 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa harap ng isang bahay sa no. 9 Cotabato St., Salaam Mosque Compound, Brgy. Culiat ng isang Hadji Naser na siyang nag-report sa barangay.
May hinala ang pulisya na dayo lamang sa lugar ang biktima dahil wala man lamang sa mga residente na nakakakilala dito.
Bagama’t walang nakitang wallet at cell phone sa biktima ay narekober naman sa kaliwang bulsa nito ang isang maliit na digital scale at sa kanang bulsa ay isang improvised water pipe na pawang ginagamit sa pagsinghot ng shabu.
Narekober din ng pulisya sa lugar ng isang basyo ng bala ng kalibre 9mm na siyang ginamit para barilin sa ulo ang biktima.