Daquis, Dela Cruz lalaro na sa Foxies
MANILA, Philippines — Bukod kay Lorene Toring ay inaasahan ding maglalaro para sa Farm Fresh sina Rachel Anne Daquis at Jolina Dela Cruz sa pagbabalik ng 2024-25 PVL All-Filipino Conference sa Enero 18.
Sa halip na maglaro sa Foxies ay mas pinili ni Daquis na magpakondisyon, habang nakarekober na si Dela Cruz mula sa isang ACL injury noong Nobyembreng 2023 habang naglalaro para sa F2 Logistics Cargo Movers.
Nagmula rin si Toring sa isang ACL injury noong 2023.
“I think may go-signal na silang lahat,” wika ni interim coach Benson Bocboc kina Daquis, Dela Cruz at Toring sa isang Farm Fresh interview.
“Hopefully enough ‘yung time para makapaglaro kaagad sila pagbalik ng New Year but definitely within the month,” dagdag nito.
Sa pagpapatuloy ng torneo sa Enero 18 ay lalabanan ng Foxies (2-3) ang kulelat na Nxled Chameleons (0-5) sa ala-1:30 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Maghaharap sa alas-4 ng hapon ang ZUS Coffee Thunderbelles (2-3) at Choco Mucho Flying Titans (3-3) kasunod ang upakan ng PLDT High Speed Hitters (3-2) at Akari Charges (3-3) sa alas-6:30 ng gabi.
Samantala, inaasahang pormal na ihahayag ng Chery Tiggo (4-2) ang paglipat sa kanila ni Risa Sato matapos maglaro sa nagdedepensang Creamline (4-0).
- Latest