Lyceum magpapatibay sa F4
MANILA, Philippines — Palalakasin ng Lyceum of the Philippines University ang pag-asa sa Final Four sa pagsagupa sa sibak nang Jose Rizal University sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Lalabanan ng Pirates ang Heavy Bombers ngayong alas-12 ng tanghali kasunod ang upakan ng St. Benilde Blazers at Letran Knights sa alas-2:30 ng hapon.
Solo pa rin ng St. Benilde ang liderato bitbit ang 12-2 record kasunod ang Mapua (12-3), nagdedepensang San Beda (9-5), Emilio Aguinaldo College (7-7), Lyceum (7-8), Letran (7-8), Perpetual Help (6-9), Arellano (6-9), Jose Rizal (4-11) at San Sebastian (4-11).
Umiskor ang Pirates ng 93-85 panalo sa Stags tampok ang career-high 25 points ni Renz Villegas.
“Kailangan na kailangan namin itong panalo papunta sa mga susunod na games namin,” wika ni coach Gilbert Malabanan sa kanyang tropa na nauna nang natalo sa Chiefs, Altas at Cardinals.
Laglag naman ang Heavy Bombers sa dalawang dikit na kamalasan.
Sa ikalawang laro, pormal na ibubulsa ng Blazers ang isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa pagharap sa Knights.
Target ng St. Benilde ang pang-pitong dikit na ratsada, habang pilit na tatapusin ng Letran ang kanilang two-game losing skid.
- Latest