MANILA, Philippines - Makalipas ang dalawang taon na hindi pagla-laro, nakatakdang magbalik sa aktibong paglalaro ang dating Far Eastern University standout na si Leo Avenido.
Sa muli niyang pagbalik sa basketball, magsisilbi rin siyang playing coach para sa bagong koponang Gamboa Coffee Lovers sa PBA D-League.
Huling naglaro ang 36-anyos na si Avenido noong 2015 PBA Governors’ Cup para sa koponan ng Kia Carnival.
Nakapaglaro rin ang 6-foot-2 forward sa Asean Basketball League kung saan nagwagi siya bilang Most Valuable Player noong 2012 para sa San Miguel Beermen.
Bukod sa 10th overall draft pick ng Coca Cola Tigers noong 2002, ang iba pang mga manlalaro ng Coffee Lovers ay sina Marcy Arellano, Jens Knuttel, Val Acuna, Ken Acibar, Gino Jumao-as, Jett Vidal, Mark Sarangay, Jayson David, Storm Riva, Alvin Padilla, Abubakar Dadjilul, Mark Montuano at Joemari Lacastesantos.
Samantala, lalo pang pinalakas ng Aspirants’ Cup champion Cignal HD ang kanilang roster para sa kanilang back-to-back bid sa pamamagitan ng pagkuha sa serbisyo ng dating Far Eastern University hardworking big man na si Raymar Jose at dating San Beda playmaker Dan Sara.
Inaasahang makakatulong ang dalawa para sa target na ikalawang sunod na titulo ng Hawkeyes kasama nina Jason Perkins, Pamboy Raymundo, Harold Arboleda at Mark Bringas.