MANILA, Philippines - Papagitna ang mga bigating imports na sina Alex Stepheson at Ricardo Ratliffe sa pag-aagawan ng Meralco at Star para sa solo liderato at ang paglapit sa isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinal round.
Magsusukatan ang Bolts at Hotshots ngayong alas-7 ng gabi matapos ang salpukan ng Alaska Aces at sibak nang NLEX Road Warriors sa alas-4:15 ng hapon sa 2017 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
“It’s an important game for both teams because a win will move you one step closer to the twice-to-beat advantage,” sabi ni one-time PBA Grand Slam champion coach Norman Black ng Meralco, nagdadala ng 7-2 record kagaya ng Star.
Nakatabla ang Hotshots sa liderato nang talunin ang TNT Katropang Texters, 107-97 habang yumukod naman ang Bolts sa Globalport Batang Pier, 86-94 sa kanilang mga huling laro.
“It will be a crucial game for both of us since both teams have chances for the Top Two. Mental toughness will be a key factor in this game,” ani Star coach Chito Victolero.
Inaasahang magiging mahigpitan ang bakbakan sa shaded lane nina Stepheson ng Meralco at Ratliffe ng Star.
Naglista si Stepheson ng mga averages na 22.3 rebounds, 17.78 points, 1.56 blocks at 1.56 assists sa siyam na laro ng Bolts, samantalang kumolekta si Ratliffe ng 37 points at 22 boards sa panalo ng Hotshots sa Tropang Texters.
Sa unang laro, pipilitin ng Aces na wakasan ang kanilang apat na sunod na kamalasan habang ang kauna-unahang panalo sa torneo ang puntirya ng Road Warriors.
Ang panalo ng Aces sa Road Warriors ang magpapalakas sa kanilang tsansang mapasama sa eight-team quarterfinals cast.
Samantala, kinuha uli ng San Miguel si import Wendell McKiness para palitan si Charles Rhodes.