MANILA, Philippines - Binigyan agad ng NLEX Road Warriors management ng dalawang taon na taning ang koponan para makilala bilang isang palabang koponan sa Philippine Basketball Association (PBA).
Si Metro Pacific Tollways Corp. president Ramoncito S. Fernandez ang siyang naglabas ng kautusang ito sa bagong koponan na masisilayan sa 40th season ng PBA sa Oktubre.
“No less than MPTC president Mr. Fernandez gave the order that in six PBA conference or two years, NLEX will have to be very, very competitive,” wika ni team consultant Allan Gregorio nang maging bisita sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Magagawa naman ito ng Road Warriors, wika ni Gregorio, dahil may materyales agad silang hawak matapos bilhin ng NLEX ang prangkisa ng Air21 Express.
Nagdesisyon ang NLEX na bumili na lamang ng prangkisa sa halip na pumasok bilang bagong koponan sa PBA dahil hindi pinagbigyan ang kahilingan na magbitbit ng manlalaro mula sa kanilang koponan na naglaro at nanalo ng anim na titulo sa PBA D-League.
“NLEX won six titles in seven straight Finals appearance in the D-League and they don’t want to be beaten black and blue in the PBA.
Napakahirap magpa-lakas with the concessions given by the PBA,” dagdag ni Gregorio.
“Air21 is a 12-year old franchise and reached the Final Four thrice and made it to the Finals once. They are on the way up,” pahabol ni Gregorio na umakto rin bilang team manager ng Express.
Sumasailalim ngayon sa evaluation ang lahat ng manlalaro at coaching staff para malaman kung sino ang pananatilihin sa bubuuing team.
Si Franz Pumaren ang siyang coach ng Air21 pero hindi pa tiyak kung kukunin siya bagama’t tumatanggap pa siya ng sahod dahil sa Agosto pa mapapaso ang kanyang kontrata.
Minamadali na ng NLEX ang isinasagawang assessment sa mga manla-laro dahil kailangan nilang tumalima sa ‘protect 12’ polisiya ng PBA. Ang mga manlalaro sa 10 regular teams na hindi nasama sa ‘protect 12’ ay isasalang sa dispersal draft upang pagpilian ng mga expansion teams na Kia Motors at Blackwater Sports.
Inihayag din ni Gregorio na magpapatuloy ang paglahok ng koponang pag-aaari ni Manny V. Pa-ngilinan sa PBA D-League at pinagpipilian sa ngayon ang Indomie, pinakamala-king kumpanya na gumagawa ng instant noodles na nakabase sa Indonesia at Philex Mining para pumalit sa NLEX. (AT)