MANILA, Philippines - Matapos ang magaang panalo sa huling laro, mapapalaban uli ang four-time defending champion na San Beda Red Lions sa pagsagupa sa inspiradong Lyceum Pirates sa 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Galing ang Red Lions sa 89-55 pagdurog sa Mapua Cardinals sa huling laro upang isunod ito sa 57-49 tagumpay sa host Jose Rizal University Heavy Bombers.
Sakaling mapanatili ng tropa ni coach Boyet Fernandez ang magandang porma sa larong itinakda sa ganap na ika-2 ng hapon ay masosolo nila ang liderato.
Magkakaroon ng pagkakataon na makapasok sa win-column ang alinman sa Letran Knights at Cardinals sa kanilang pagtutuos sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.
Nakikitaan ng pagkulapso ang Knights sa huling yugto para lasapin ang dikitang 83-85 at 70-74 pagkatalo sa kamay ng San Sebastian Stags at Lyceum Pirates.
Mas malaking problema ang hinaharap ni Cardinals coach Fortunato Co dahil kulang siya ng naaasahang manlalaro dahilan para matalo ng 34-puntos ave-rage ang koponan sa Perpetual Help at San Beda.
Sina Ola Adeogun, Baser Amer at Arthur dela Cruz ang mga nangunguna sa pag-atake ng Lions pero tinukoy din ni Fernandez ang matibay na depensa para manalo sa unang dalawang labanan.
Kailangang hindi mawala ito sa Lions dahil mataas ang morale ng Pirates na haharap sa larong ito bunga ng magandang panalo sa Knights.
Ipinarada ni coach Bonnie Tan ang Cameroonian import na si Guy Mbida at nagpakilala ito sa pagkamada ng 15 puntos, 12 rebounds, 2 assists at 1 steal.
“Nakumpleto na ang rotation ko. Nagpapakita rin ang mga players ko ng mental toughness na mahalaga sa campaign namin,” banggit ni Tan na sasandal din kina Dexter Zamora at Shane Ko.
Noong nakaraang taon ay tinalo ng Lyceum ang San Beda, 70-66, sa unang pagkikita at ito ay gagamitin din ni Tan para magkaroon ng dagdag na kumpiyansa ang kanyang mga bataan. (AT)