MANILA, Philippines - Isinabatas na ni Pangulong Benigno Aquino III ang panukalang pagkakaroon ng Philippine standard time, ayon sa isang opisyal ng Malaknayang ngayong Huwebes.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na nilagdaan ni Aquino ang Republic Act 10535 noong Mayo 15, na nag-uutos na magkaroon ng magkakasabay na oras ang lahat ng tanggapan ng gobyerno.
"Lahat po ng ahensya ng pamahalaan ay minamandatuhan na sundan na po ang Philippine Standard Time," pahayag ni Valte.
Ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mamamahala sa Philippine standard.
"Sila po ang naatasan na mag-set ng network time protocol para po sa ating bansa," dagdag ni Valte.
Sa ilalim ng batas, kailangang makipag-ugnayan ang lahat ng opisina ng gobyerno sa PAGASA kada buwan upang matiyak na sumusunod sa Philippine standard time ang kanilang mga orasan.
Sinabi ni Senator Miriam Defensor-Santiago, may akda ng batas, na layunin ng batas na maging 'synchronized' ang lahat ng orasan ng gobyerno upang maiwasan ang pagiging late ng mga empleyado nito.
"Filipinos are notorious for their tardiness such that being late has become synonymous to Filipino time. A definite time reference would remove inefficiencies brought about by different interpretations of time, particularly among government offices,"sabi ni Santiago sa naunang pahayag.
"Discrepancies in time between government agencies have led to unnecessary friction brought about by the disparate interpretation of schedules and their observance," dagdag ng senadora.
Aniya makakapagbigay ang mga opisina ng gobyerno ng mas maayos na serbisyo sa sabay-sabay na pagbubukas at pagsasara nila.
"It has been a perennial problem for citizens to get the most out of government services because government offices allegedly close earlier than office hours," sabi ng matinik na senadora.
Maaaring makita ng publiko ang Philippine standard time sa website ng PAGASA http://kidlat.pagasa.dost.gov.ph/ourtime.shtml.