Hiyasmin (191)
“ABA tama naman ang ginawa mo na para makapag-aral ay gumawa ng paraan,’’ sabi ni Nanay Julia habang hawak ang kamay ni Hiyasmin. “Malinis na paraan ang ginawa mo. O e di nakatapos ka. Hanga ako sa ginawa mo.’’
“Hindi ka po nagagalit sa akin na naglihim ako.’’
“Hindi.’’
“Salamat Nanay.”
“Huwag ka nang umiyak. Kapag umiiyak ka, e gusto ko ring umiyak. Gusto ko lagi kang masaya.”
Pinahid ni Hiyasmin ang luha.
“Si Dax din po kasi ang nagpayo sa akin na huwag sabihin sa’yo ang tungkol sa lihim na pagpapaaral at pagpapatira sa akin dito. Kasi, sabi niya, istrikto ka raw po.’’
“Oo istrikto ako pero depende sa tao kaya ako istrikto. Kapag hindi maayos makitungo ang tao, dun ako galit. Talagang makakatikim sa akin nang masasakit na salita. Pero ikaw, wala akong nakitang kapintasan sa’yo. Mahusay kang makisama kaya naman ako na ang nagsabi na gusto kita para kay Dax.’’
“Natutuwa nga ako Nanay sapagkat ang ina ng aking minamahal ay mahal na mahal ako.’’
“Talagang mahal na mahal kita, Hiyasmin.’’
“Panatag na po ang loob ko.’’
Niyakap ng matanda si Hiyasmin.
“Ako na ang magsasabi kay Dax na alam ko na ang lahat. Wala nang tagu-tago pa. Mahirap pa ang naglilihim,’’ sabi nito.
“Ikaw po ang bahala.’’
“Siyanga pala, kumusta ang iyong mama? Maayos ba ang kalagayan niya sa kinakasama niya?’’
“Sa ngayon po, wala pa akong balita kay Mama. Pero balak ko siyang puntahan at isasama ko si Dax.’’
“Mabuti pa. Kawawa naman ang mama mo.’’
(Itutuloy)
- Latest