^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Babala sa mga pulis na nagba-bodyguard sa VIPs

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL � Babala sa mga pulis na nagba-bodyguard sa VIPs

KAHIT tinaasan na ang sahod ng mga pulis, patuloy pa rin silang nagsa-sideline bilang bodyguard o security escort ng mga mayayamang tao o very important persons (VIPs). Ngayon pati ang pag-eeskort sa mga Chinese na opisyal ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ay pinasok na rin. Malaki ang kinikita ng mga pulis na nag-eeskort sa POGO official na umaabot umano sa P40,000 buwan-buwan. Noong nakaraang buwan, dalawang miyembro ng Special Action Force (SAF) ang sinibak sa puwesto dahil sa pag-eskort sa Chinese na opisyal ng POGO na nakatira sa Ayala-Alabang. Ang dalawang SAF ay nakadestino sa Mindanao pero narito sa Metro Manila at binantayan ang Chinese. Sinibak din ang siyam na superiors ng dalawang SAF troopers.

Noong nakaraang buwan din, isang pulis at isang sundalo ang nahuli ng HPG sa Macapagal Blvd. habang nag-eeskort sa black Alphard na kinalululanan ng isang Chinese na nag-o-operate rin ng POGO sa Parañaque. Gamit pa ng dalawang escort ang motorsiklo na may PNP markings. Sinampahan ng kaso ang dalawa dahil sa pagsusuot ng HPG uniform.

Hindi lamang sa pag-eeskort sa VIPs at POGO officials ang ginagawa ng mga pulis kundi pati na rin ang pag-eskort sa mga empleyado ng money changer shops. Halos hindi na nagagawa ng mga pulis ang kani­lang trabaho sapagkat nabubuhos sa kanilang pagmu-moonlighting. At ginagawa nila iyon, kahit na tinaasan na sila ng suweldo noong panahon ni dating­ President Duterte. Pag-upo ni Duterte noong 2016, ang pagbibigay ng mataas na suweldo sa mga pulis ang kanyang inatupag. Pero sa kabila nang mataas na sahod—ang Patrolman ay sumasahod ng P31,000—patuloy pa rin sila sa pagmu-moonlighting. Balewala ang pinagkaloob na suweldo. Naghangad pa sila nang malaking kita.

Kamakalawa, muling nagbabala si PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil na may kalalagyan ang mga pulis na mahuhu­ling nagmu-moonlighting bilang mga bodyguard o security escort ng VIPs. Mahaharap sa disciplinary action ang mga pulis na mapapatunayang nag-eeskort sa mga mayayaman at sikat na indibidwal.

Ayon kay Marbil ang katapatan sa paglilingkod ng mga pulis ay dapat na nakatuon sa mga Pilipino at hindi sa mga taong kakayahang maglabas ng malaking ha­laga ng pera upang matiyak ang kanilang kaligtasan. Dapat daw nakahanda sa lahat ng oras ang mga pulis para sa pangangailangan ng publiko anumang oras.

Inaasahan ng mamamayan ang proteksiyon ng mga pulis. Umaasa silang ipatutupad ni Marbil ang kautusan na walang pulis na magbabantay sa mga mayayaman bagkus ang publiko ang kanilang puproteksiyunan. Umaasa ang lahat na may pulis sa kalye sa araw at gabi.

vuukle comment

POGO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with