Parang GROs... organizers ng MIFF, pinagkakitaan daw ang mga dumalong artista

Pinatahimik na ako ni Lorna Tolentino nang tanungin ko siya tungkol sa ginawa sa kanilang mga artista ng organizers ng Manila International Film Festival sa Tribute Gala noong March 7.
Nakarating kasi sa amin na pinaghiwa-hiwalay raw silang mga artista ng table sa naturang event na ang buong akala nila, magsama-sama sila, pero hindi pala.
Ang ginawa raw ng organizers doon, ini-assign daw sila sa magkakahiwalay na table. Isa o dalawang artista raw sa bawat table, kasama ang mga kababayan natin na dumalo sa naturang event.
Nalaman ng isa sa mga artista na andun na ibinenta raw pala ng organizer ang bawat table nang tig-5 thousand US dollars.
Hindi alam ng mga artista na may ganung usapan na nagagamit sila. Ang dating, para silang GRO na pinagkakakitaan ang kanilang pagdalo sa Tribute Gala na ‘yun.
Na-offend daw ang ibang artista, lalo na’t hindi man lang daw sila na-acknowledge sa pagtitipong ‘yun.
Nang tinanong ko si Lorna tungkol diyan, ayaw na niyang magsalita. Basta huwag ko na raw ipag-ingay, para matapos na lang nang maayos itong dinaluhan nilang MIFF.
Masaya na raw sila sa Konsiyerto Para sa Filipino dahil talagang doon sila nag-bonding na mga artista, kasama ang mga kababayan natin na dumagsa sa free concert na ‘yun na ginanap sa Cerritos Performing Arts Theater.
Nakita naman sa mga ipinost nila na pati ang First Lady Liza Araneta-Marcos ay nag-enjoy sa event na ‘yun. May video pa ngang sumasabay siyang nakipagsayaw sa mga performer.
Nag-perform sa naturang konsyerto sina Jed Madela, Jaya, Joey Albert, John Arcilla at ang Junior New System, at nandun pa sina Kim Chiu at Paulo Avelino, pati sina Dingdong Dantes at mga artista ng mga pelikulang kalahok sa naturang filmfest.
Walang kinalaman doon ang MIFF, dahil ang MMFF at MMDA ang nag-organize ng naturang pa-konsyerto.
Sabi ng ilang producers, ayaw na nilang sumali kung may susunod pang MIFF. Pero umaasa ang ibang artista na maaayos na ito sa pangatlong taon sa tulong ni First Lady Liza Marcos.
Nilinaw rin ng ilang nakausap namin na ang awarding na iginawad na kung saan napanalunan ng pelikulang Songs of the Fireflies ay audience award daw ‘yun.
Kung alin ang may pinakamaraming nanonood ay ‘yun ang nakakakuha ng awards dahil botohan ito ng mga nakapanood. At ang pelikulang ito ang nakapag-promote nang husto kaya marami ang nakapanood.
‘Yung iba ay hindi raw na-promote nang maayos at one screening lang ang schedule na weekdays at oras ng trabaho ng mga kababayan natin.
Saka, hindi naman daw puwedeng sabihing international film festival ‘yun dahil mga pelikulang Pinoy lang naman ang kalahok. Walang partisipasyon ang ibang bansa. Kaya paano maging international film festival?
Nakipag-ugnayan naman ang ilang taga-MIFF para ilabas ang kanilang panig. Pero mukhang ayaw nang sumali ng ilang producers.
Ewan ko lang sa MMDA at MMFF kung makipag-collab pa sila rito, na hindi man lang daw na na-acknowledge si MMDA Chairman Atty. Don Artes na ang naturang ahensya pa naman ang sumagot sa business class fare ng dalawang representative ng bawat pelikula.
Lumaylay na serye, mayayabang ang writer
Nadismaya ang ilang artista sa writers ng isang soap opera na parang ang gagaling daw ng mga ito na ayaw tumanggap ng suggestion.
Nakisama raw ang lead actress sa production staff pati sa mga co-star niya.
Nag-host pa raw siya ng dinner minsan para sa kanilang lahat.
Nagkausap-usap daw sila na natutuwa sila sa magandang resulta ng kanilang drama series.
Pinuri ang kuwento at maganda ang ratings.
Kaya sabi raw ni aktres, pati ang ilang co-actors nito, mas maganda kung mag-ambag ambag sila ng suggestions para lalo pang mapaganda ang kuwento.
Parang nonchalant lang daw ang mga writer.
‘Yun pala na-offend na raw sila, at iba ang dating sa kanila.
Hindi raw makakatanggap ng suggestions itong mga grupo ng writer. Parang ang yabang ng dating, na akala mo pagkagaling-galing nilang magsulat.
Ayun! Hindi naman napanindigan. Tsumaka ang takbo ng kuwento at nalublob sa kumunoy ang ratings nila, at tinalo ito nang bonggang-bongga ng katapat na programa.
Ang daming nadismaya sa ending ng kuwento, kaya sa halip na papuri ang matatanggap nila, pawang panlalait daw.
Kaya tumahimik na lang ang mga artista lalo na si aktres na nakisama lang naman daw sila nang maayos.
May taglay na kayabangan naman kasi ang ilang grupo ng writers, pero karamihan naman sa mga gawa nila ay laylay sa ratings at hindi umeepek sa mga manonood.
- Latest