Rep. Tulfo humingi ng public apology sa pagdaan sa EDSA Busway
MANILA, Philippines — Humingi na ng public apology si Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo matapos mahuli ang kulay itim nitong SUV na illegal na dumaan sa EDSA Busway kamakailan.
Sa isang press statement, humingi ng paumanhin si Tulfo sa kaniyang naging aksiyon at tiniyak na hindi na ito muling mauulit.
Nilinaw naman ng batang Tulfo na anak ni Senador Raffy “Idol” Tulfo na hindi niya umano tinangkang tumakas o gamitin ang pangalan ninuman para makalusot sa isyu na nag-viral sa social media.
Alinsunod sa protocol ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, ang tanging awtorisadong dumaan sa bus lanes ay ang mga ambulansiya, firetrucks, police vehicles at iba pang service vehicles na gumaganap lamang ng tungkulin sa EDSA Busway Project.
Gayundin ang sasakyan ng Pangulo, Bise Presidente, Senate President, House Speaker at Supreme Court Chief Justice.
Aminado naman si Rep. Tulfo sa kaniyang pagkakamali at sinabing nagbayad na siya ng multa pero hindi na ipinaliwanag kung bakit naisipang dumaan ang kaniyang SUV sa bus lane.
Matatandaan na sinabi ni Senador Tulfo na kinastigo na niya ang kaniyang anak sa nasabing insidente na pinagsabihang huwag na itong uuliting muli. Ipinagtanggol naman ng Senador ang kaniyang anak sa mga pagbatikos sa social media at iginiit na hindi nangangahulugan na nagkamali ay abusado na umano.
Sa rekord ng LTFRB, walang protocol plate ang convoy ng kulay itim na SUV ng Kongresista ng dumaan ito sa Busway pero meron itong seal ng House of Representatives.
- Latest