Warriors inakbayan ni Curry sa panalo
SAN FRANCISCO — Nagkadena si Stephen Curry ng 28 points, 7 rebounds at 5 assists dalawang araw matapos hirangin bilang unang player sa NBA history na nagsalpak ng 4,000 three-pointers para igiya ang Golden State Warriors sa 97-94 paglusot sa New York Knicks.
Si coach Steve Kerr ang naging Warriors regular-season victory leader sa kanyang ika-558 panalo sa 11 season matapos ungusan si Hall of Famer Al Attles.
Nagdagdag si Jimmy Butler ng 11 points, 7 assists at 6 rebounds para sa pang-pitong sunod na ratsada ng Golden State (39-28).
Pinamunuan ni Karl-Anthony Towns ang New York (42-24) sa kanyang 29 points at 12 rebounds.
Sa New York, umiskor si Kristaps Porzingis ng 24 points sa 115-113 pagdaig ng nagdedepensang Boston Celtics (49-19) sa Brooklyn Nets (22-45).
Sa Detroit, nagbagsak si Shai Gilgeous-Alexander ng 48 points sa 113-107 panalo ng Oklahoma City Thunder (55-12) sa Pistons (37-31).
Sa Denver, isinalpak ni Jordan Poole ang isang three-point shot sa huling 2.1 segundo para sa 126-123 pag-eskapo ng Washington Wizards (15-51) sa Nuggets (43-15).
Sa Milwaukee, kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng 34 points, 10 rebounds at 7 assists sa 126-119 pagsuwag ng Bucks (38-28) sa Indiana Pacers (37-29).
Sa Houston, humataw si Fil-Am Jalen Green ng 28 points sa 117-114 pagtakas ng Rockets (43-25) sa Chicago Bulls (28-39).
- Latest