Eskwela, trabaho sa Albay suspendido na
MANILA, Philippines — Suspendido na mula pa kahapon ang pasok sa eskwela sa lahat ng antas, pribado man o pang gobyernong paaralan sa lalawigan ng Albay bilang pag-iingat sa paparating na bagyong Pepito at upang magkaroon din ng pagkakataong makauwi ang mga estudyante lalo na ang nasa kolehiyo na residente ng ibang lalawigan ng Bicol Region.
Sa inilabas na advisory No.28-2024 ng PDRRMC-Albay Provincial Safety and Emergency Management Office na pirmado ni Acting Gov.Glenda Ong Bongao, ipatutupad ang suspension ng klase “until lifted” habang simula naman ngayong araw ay sinuspinde na rin ang pasok sa trabaho ng lahat ng ahensya ng gobyerno maliban sa mga nasa nagpapatupad ng public safety, disaster risk reduction, kalusugan.
Bukas ay kailangang sarado na ang lahat ng commercial at business transaction sa buong lalawigan para bigyang oras na makauwi naman ngayong araw ang mga tauhan ng negosyo at maprotektahan ang mga establisimiento.
Sinimulan na rin ang preemptive evacuation sa mga lugar na may banta sa lahar, baha, landslide at daluyong. Ipapatupad naman ang force evacuation sa lahat ng tatangging lumikas upang hindi na maulit ang nangyari noong bagyong “Kristine” na marami ang humingi ng responde at saklolo sa gitna ng masamang panahon dahil sa matataas na baha at landslides.
Ayon naman kay Gremil Alexis Naz, tagapagsalita ng Office of Civil Defense 5 at Regional Disaster Risk Reduction Management Council, inalerto na nila ang lahat ng LGU at disaster risk reduction management sa anim na lalawigan at pinayuhang magpatupad ng preemptive at force evacuation sa lahat na peligrosong lugar.
Sumulat na rin sila sa Department of Transportation na ipagbawal ang “land travel” sa lahat ng pampasaherong sasakyan at rolling cargo lalo na ang mula sa Kamaynilaan na patawid ng Visayas at Mindanao Regions.
- Latest