Malabon Mayor nagpaliwanag
Worried daw ang ilang kababayan natin sa Malabon City dahil sa suspension order na ipinalabas ng Commission on Audit (COA) kaugnay sa P10 milyong ginastos sa official trip sa Japan ni Mayor Jeanie Sandoval at iba pang opisyal ng lungsod. Nilinaw ng mayor na walang anomalya sa halaga ng biyahe noong December 17-25 ng nakaraang taon.
Nangangamba ang mga taga-Malabon na baka ito’y notice of disallowance na makaaapekto sa pananalapi ng lungsod. Nilinaw ni Sandoval na ito ay bahagi lamang ng normal na proseso. Sabi niya, ang biyahe ay mahalaga na naglalayong humango ng mga makabagong kaalaman at teknolohiya mula sa Tokyo. Kasama sa pagbisita ang ilang konsehal at opisyal ng lungsod upang matutunan nila ang mga advanced na sistema sa urban planning at disaster management ng Tokyo.
Ang Notice of Suspension ay dahil lamang sa mga cash advances na ginawa para sa trip na ito, at hindi sa anumang kwestyonableng paggastos, Aniya, may mga kulang na dokumento o pirma na kailangan para ma-clear ang transaksyon. Ngunit naisumite na ang kumpletong detalye ng gastos sa liquidation report, paliwanag ni Sandoval.
Bagamat nakasaad sa Notice of Suspension na walang appropriations para sa travelling expenses-foreign para sa kalendaryo ng 2023, ang pondo para sa travel expenses ay malinaw na nakalaan sa supplemental budget. Ang general allocation ng travel expenses ay sumasaklaw sa local at foreign travel, dagdag ni Sandoval.
Ayon kay City Administrator Alexander Rosete, kapag naisumite na ang mga dokumento, agad maaalis ang notice of suspension.
Dagdag naman ni Sandoval, “Gusto ko ring linawin na ang mga hakbang na ito ay hindi para sa pulitika, kundi para makapagbigay ng mas magandang serbisyo sa lahat ng Malabueño. Hindi namin ginagamit ang pondo ng bayan para sa pansariling interes, kundi para sa ikabubuti ng ating lungsod.”
Tiniyak ni Mayor Sandoval na ang lungsod ay agad na magbibigay ng mga kinakailangang dokumento at impormasyon ayon sa mga requirements ng COA upang maayos ang issue sa lalong madaling panahon.
- Latest