Navy officer tinodas sa loob ng kotse, 2 arestado
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Isang Navy intelligence officer ang pinatay saka inabandona sa loob ng kanyang sasakyan sa kahabaan ng Maharlika highway road sa Barangay San Rafael, Sto. Tomas City, Batangas noong Biyernes ng gabi.
Itinago ng pulisya ang pagkakakilanlan ng bangkay na sinasabing miyembro umano ng Navy enlisted personnel. Ang bangkay ng biktima ay natagpuan ng isang alyas Manuel matapos nitong madiskubre ang isang abandonadong silver Toyota Innova na may plakang A3F183 na nakaparada sa kahabaan ng Hi-way ng Sto. Tomas dakong alas-10:40 ng gabi.
Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa likod at sa katawan ang biktima.
Sa hot pursuit operation ng mga operatiba ng Calamba police, Sto. Tomas at Naval Intelligence Security Group-National Capitol Region team, nasabat nila ang isang rent-a-car vehicle na may dalawang pasahero kabilang ang isang driver sa kahabaan ng Turbina tollgate ng Southern Luzon Expressway dakong alas-7:20 ng gabi nitong Sabado na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang alyas “Carlo”, 26, operation director at alyas “Jay Maril”, 29, supervisor, kapwa residente ng Barangay Paria, Calamba City.
Narekober sa pag-iingat ng dalawang suspek ang .9mm Glock caliber pistol na service firearm ng biktima, 11 piraso ng bala ng 9mm at isang pulang Toyota Vios (DAU-9163).
“Sa back-tracking investigation at pagrepaso sa ilang nakuhang video footage ng close-circuit television camera na naka-install malapit sa crime site bago at pagkatapos nilang iwanan ang sasakyan na may bangkay ng biktima, natukoy namin ang dalawang posibleng suspek, at tinunton namin ang kinaroroonan ng posibleng safehouse ng mga suspek, “ ayon kay Lt. Col Titoy Jay Cuden, hepe ng Calamba Police.
Umalis ang mga suspek sa kanilang safehouse na matatagpuan sa Barangay Parian, Calamba City at papasok na sana sa Turbina Tollgate SLEX patungo sa direksyon ng Maynila nang harangin sila ng grupo ng magkasanib na puwersa ng lokal na awtoridad at mga operatiba ng Naval, ani Cuden.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.
- Latest