24 truck owners, pinadalhan ng show cause order ng LTO sa road worthiness
MANILA, Philippines — Pinadalhan ng Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) ang 24 na registered owners ng trak para dalhin sa alinmang branch ng ahensiya sa kanilang lugar upang makilatis ang road worthiness ng lahat ng mga truck na bumibiyahe sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza, ang hakbang ay kasunod ng pagkakasangkot ng mga trak sa nagdaang mga aksidente sa mga lansangan na naging ugat ng pagkamatay ng ilan at pagkasugat ng maraming motorista.
Puspusan ang pagkilatis sa lahat ng uri ng sasakyan, hindi lamang mga trak upang matiyak na ligtas ang lahat ng mga pasahero papunta sa kani-kanilang destinasyon at walang maaapektuhan ibang mamamayan.
Batay sa pagbusisi ng mga tauhan, ang 24 na may-ari ng trak ay kanilang nahuli dahil hindi ligtas sa paglalakbay. Ilan sa nakita ng LTO sa naturang mga trak ay sira ang gulong ng sasakyan.
Nais malaman ng LTO na makuha ang paliwanag ng mga truck owners kung bakit hindi sila maaaring maparusahan kaugnay ng paglabag sa Republic Act 4136, o Land Transportation and Traffic Code dahil sa mga wasak na gulong.
Isang halimbawa dito ang madugong aksidente sa Katipunan flyover na kumain ng buhay ng apat katao at pagkasugat ng 20 motorista .
Binigyang diin nito na ang kampanya ay bahagi ng Stop Road Crash advocacy na nailunsad ng LTO nitong Disyembre na panahon ng maraming pasahero ang uuwi sa kani-kanilang destinasyon ngayong holiday season.
- Latest