TNT malakas ang signal
MANILA, Philippines — Kumawala ang TNT Tropang Giga sa huling anim na minuto ng fourth quarter para talunin ang Terrafirma, 107-89, sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Kumolekta si import Rondae Hollis-Jefferson ng 26 points, 11 rebounds, 7 assists at 2 blocks para sa 4-1 record ng Tropang Giga tampok ang two-game winning run.
“We hardly had any practice because Rondae couldn’t run on his ankle until two days ago, same thing with Calvin (Oftana) as well,” ani coach Chot Reyes. “We just have to rely on our ability to make stops and defend.”
Nagdagdag sina RR Pogoy at Poy Erram ng tig-14 markers, habang may 13 at tig-10 markers sina Kim Aurin, Jayson Castro at Rey Nambatac, ayon sa pagkakasunod.
Bagsak ang Dyip sa 0-5 sa kabila ng hinakot na 23 points ni import Antonio Hester.
May 18 markers si Christian Standhardinger kasunod ang tig-13 points nina Kevin Ferrer at rookie Paolo Hernandez.
Matapos kunin ng TNT ang 83-69 abante sa pagsisimula ng fourth period ay isang 11-2 atake ang ginawa ng Terrafirma para makalapit sa 80-85 sa 6:01 minuto nito.
Bumanat ang Tropang Giga ng 15-3 bomba tampok ang three-point shot at jumper ni Aurin para muling makalayo sa Dyip sa 100-83 sa huling 2:31 minuto ng laro.
Samantala, target ng Barangay Ginebra (2-2) ang ikalawang dikit na panalo sa pagsagupa sa Phoenix (0-4), habang ang ikatlong sunod na ratsada ang pakay ng Blackwater (2-3) kontra sa NLEX (3-2).
Lalabanan ng Gin Kings ang Fuel Masters ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Bossing at Road Warriors sa alas-5 ng hapon sa Ninoy Aquino Stadium.
- Latest