108 Quezon City vendors nagtapos sa Vendor Business School program
MANILA, Philippines — Matagumpay na nagsipagtapos ang may 108 vendors mula sa Quezon City sa kauna-unahang Vendor Business School (VBS) program sa bansa.
Ang proyekto ay naisagawa sa pagtutulungan ng CGIAR Resilient Cities at Quezon City Government upang makatulong sa mga vendors na mapalago ang kaalaman sa pagnenegosyo.
“Nais kong ipaabot ang aking taos-pusong pagbati sa mga nakatapos sa 10-week course sa ilalim ng VBS. Hindi biro ang pagsabayin ang pag-aaral muli at paghahanapbuhay kaya saludo ako sa inyo,” pahayag ni QC Mayor Joy Belmonte sa ginanap na graduation ceremony.
“Hangad ko ang inyong tagumpay at umaasa na magagamit ninyo ang nakuha niyong kaalaman para lalo pang mapalago ang inyong negosyo,” dagdag ni Belmonte.
Sa 108 graduates mula sa private at public markets at temporary vending sites (TVS) sa QC, 78 dito ay pawang babae at 30 ay lalaki na may 31-anyos hanggang 45 taong gulang.
Inanunsyo ni Belmonte na ang 108 graduates ay qualified para sa city government’s Pangkabuhayang QC (PBQC) Program na nagkakaloob ng capital assistance sa maliliit na negosyo sa QC.
Kasama ni Belmonte sa okasyon si Col. Alex Alberto, head ng Quezon City Market Development and Administration Department; Emmanuel Hugh Velasco II, co-chair of the Food Security Task Force; at Dr. Silvia Alonso, co-leader ng CGIAR Resilient Cities Initiative.
- Latest