Mamayang gabi na ang pagrampa ni Marian Rivera sa victory party ng FHM Ph sa World Trade Center at kahit noong presscon para sa 100 Sexiest Women of the Philippines hindi pa rin sinabi ng Kapuso Primetime Queen kung ano ang isusuot niya. Sorpresahin kaya siya ng boyfriend na si Dingdong Dantes kahit may taping ito ng Ang Dalawang Mrs. Real? Last year, pinuntahan siya ni Dingdong sa backstage bago siya rumampa.
Ang isang naitanong kay Marian ay ang pagsuporta niya kay Batangas Governor Vilma Santos-Recto laban sa bashers nito kaugnay ng special gift niya kay Kris Aquino na na-post sa Instagram account ng Queen of All Media. Wala raw naman siyang sinabi kay Gov. Vi kung hindi “nandito lamang ako at mahal ko siya.” Siya raw kasi, matagal nang immune sa mga bashers at hindi na big deal sa kanya iyon. Kaya ang ginagawa na lamang niya kapag may nang-bash sa kanyang only social media account na Instagram @therealmarian, dini-delete at bina-block na lamang niya. Alam daw niyang gagawa ulit ng bagong account ang mga bashers, kaya ganoon pa rin, delete and block pa rin siya.
Naniniwala raw siyang ang mga taong malungkot ang buhay ay walang nakikitang maganda sa kanilang kapwa, puro kapintasan lamang.
Nagpasalamat din si Marian sa mga nanood at sumuporta sa kanyang dance party show na Marian last Saturday dahil sa mataas na rating nito. Nag-trend pa worldwide at dito sa Pilipinas ang kanyang buwis-buhay na opening dance number.
Harlene hindi na hahabulin ang P15M
Nagsampa ng forty two counts ng qualified theft, estafa, si Harlene Bautista sa Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) laban kay Direk Dante Garcia. Two years na palang nakabimbin sa QCRTC ang kaso at ngayong nahuli na nga ang accused, nakatakda na ang arraignment ng kaso sa July 30.
Balitang P15M ang unliquidated amount na ipinaglalaban ni Harlene na nakausap sa premiere night noong isang gabi ng movie na produced ng kanilang Heaven’s Best Entertainment, ang Kamkam (Greed), na showing na simula ngayong Wednesday.
Friend na niya for ten years si Direk Dante, pero hindi raw naman pera lamang niya iyong P15M, may mga kaibigan siyang kasosyo, kaya nalulungkot si Harlene na umabot sila sa ganoon. Sana man lang daw ay kinausap siya para malaman niya kung saan napunta ang unliquidated amount na hinahabol nila. Hindi raw kasi naka-deliver ang director sa mga pinag-usapan nila at may mga pinaggamitan na funds sa ibang projects na hindi naman nila pinayagang gawin. Kaya ang ginawa nila, nag-hire sila ng accountants na siyang nagsuri kaya nalaman nila ang mga pagkukulang ni Direk Dante.
Wala bang feelers si Direk Dante para makipag-ayos sa kanila? Wala raw, dapat daw ay noon pa iyon ginawa, pero wala raw.
Ayaw niyang siraan ang kaibigan kaya idinaan niya sa tamang proseso, ang hukuman. Alam daw niyang hindi na maibabalik ang pera, hindi raw siya nagagalit sa kaibigan, gusto lamang niyang itama ang nangyari kaya siya nagdemanda.