CSB, JRU riot sa NCAA
MANILA, Philippines — Nauwi sa rambulan ang laban ng College of Saint Benilde at Jose Rizal University dahilan upang ipatigil ito ng pamunuan ng liga kahapon sa NCAA Season 98 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Lamang ang Blazers sa iskor na 71-51.
Kaya naman idineklarang panalo ang Benilde para makuha nito ang ika-10 panalo sa 13 pagsalang.
Nag-ugat ang lahat nang suntukin ni Heavy Bombers cager John Amores ang tatlong players ng Blazers na sina Jimboy Pasturan, Taine Davis at Mark Sangco, may 3:22 pang nalalabi sa ikaapat na kanto.
Kaya naman nagdesisyon na ang NCAA Management Committee na itigil na lamang ang laro para hindi na lumala pa ang kaguluhan at para na rin sa kaligtasan ng mga players, coaches at audience.
Sinang-ayunan ang desisyon nina JRU athletic director Paul Supan at CSB athletic director Dax Castellano.
Nakatakdang magsagawa ang NCAA ManCom ng imbestigasyon upang malaman ang tunay na dahilan ng kaguluhan.
Inaasahang may mapapatawan ng parusa sa oras na matapos ang imbestigasyon.
Dahil dito, bumagsak sa 6-7 ang rekord ang Heavy Bombers.
Nanguna para sa Benilde si Pasturan na kumana ng 18 puntos habang nakalikom naman si Will Gozum ng double double na 15 points at 10 rebounds.
Sa unang laro, ginulantang ng Emilio Aguinaldo College ang University of Perpetual Help System Dalta, 59-53 panalo para masikwat ang kanilang ikalawang panalo.
- Latest