Sotto, 36ers balik sa porma
MANILA, Philippines — Sa tulong ni Kai Sotto bilang starter uli, nakabalik agad sa winning column ang Adelaide 36ers matapos ang 103-95 panalo kontra sa Illawarra Hawks sa umiinit na aksyon ng 2022-2023 National Basketball League (NBL) regular season sa Australia.
Maagang na-foul trouble ang 7-foot-3 Filipino sensation sa kanyang ikaanim na sunod na starting gig subalit nakapag-ambag pa rin ng solidong 7 points at 6 rebounds sa 10 minutong askyon.
Nagposte ng 18 points, 8 rebounds at 3 assists si Daniel Johnson habang may 16 markers si dating Golden State Warriors guard Ian Clark para pangunahan ang atake ng mga bataan ni coach CJ Bruton.
Nagdagdag din ng tig-16 markers sina Antonius Cleveland at Anthony Drmic habang may 13 din si Robert Franks para sa 36ers na muling sumakay sa homecourt advantage sa Adelaide Entertainment Center tampok ang lagpas 9,000 fans.
Dahil dito, umangat sa ikalimang puwesto ang Adelaide hawak ang 11-9 kartada upang palakasin ang pag-asa sa playoffs kung saan 6 na koponan lang ang makakapasok.
Nauwi sa wala ang 22 puntos ni Tyler Harvey para sa Illawarra na natengga sa kulelat na puwesto hawak ang 2-18 baraha.
Susubok na makabuhol ng bagong winning streak ang Adelaide kontra sa New Zealand Breakers ngayon.
- Latest