76ers hiniya ang Thunder
PHILADELPHIA — Hindi na makapaghintay ang mga fans ng 76ers para sa paglalaro ng bagong hugot na si James Harden.
Binigyan si Harden ng Philadelphia ng flipbook-style video ng kanyang career na nagtapos sa pagsusuot ng ‘The Beard’ ng No. 1 jersey para sa isang standing ovation.
Humakot si Joel Embiid ng 25 points, 19 rebounds at 5 blocked shots sa 100-87 panalo ng 76ers (33-22) sa Oklahoma City Thunder (17-38).
Inaasahang bibiyahe si Harden, may hamstring injury, sa siyudad ngayong linggo at sasailalim sa evaluation ng medical staff ng Philadelphia, ngunit sa Martes pa siya inaasahang makakalaro laban sa Boston Celtics.
Nakuha ng 76ers si Harden mula sa isang trade sa Brooklyn Nets kapalit ni Ben Simmons at iba pang players.
Sa Chicago, humataw si DeMar DeRozan ng 35 points para igiya ang Bulls (35-21) sa 134-122 panalo sa Minnesota Timberwolves (29-27).
Sa Salt Lake City, nagtala si Donovan Mitchell ng 24 points sa 114-99 pagpapatumba ng Utah Jazz (35-21) sa Orlando Magic (13-44) at manatili sa No. 4 spot sa Western Conference.
Sa Boston, kumamada si Jayson Tatum ng 24 points at may 22 markers si Marcus Smart sa 108-102 pagdaig ng Celtics (32-25) sa Denver Nuggets (30-25).
Sa iba pang laro, giniba ng Charlotte Hornets ang Detroit Pistons, 141-119; wagi ang San Antonio Spurs sa Atlanta Hawks, 136-121; at binigo ng Cleveland Cavaliers ang Indiana Pacers, 120-113.
- Latest